s’yang kumakalinga, s’yang wawasak.
pilit kong binigyan ng sapat na panahon ng pagninilay ang bagay na ito, sinisid at kinapa ang napakanipis na pising naghihiwalay sa pagpapanatili at pagkagumon, kabuuan ng loob at kahibangan, pagmamahal at pagkahumaling.
paano nga ba nakakamit ang pagtitimpi at ang katamtaman?
kung iginagalang ko ang aking sarili, hindi ko hahayaan ito sa kapariwaraan. hindi ako makukuntento sa kulang, subalit hindi rin ako magpapakalunod sa kalabisan. buo ang loob, ngunit hindi hibang; lumulutang subalit hindi lango; nagmamahal, hindi nahuhumaling.
sa bawat pagkakataong kinakaya kong magpigil — labanan ang masamang katuwaan, labanan ang paghimok at ang pagpapahayag ng makapangyarihang damdamin, nagagalak ako. bahagyang nakayayamot, subalit malaya. buhay na buhay, maliksi; isang paglipad na walang paglagpak.
sa tuwing nagagawa ko ito, ako ay nasa aking pinakamahusay, pinakamabuti, at pinakamataas na antas ng pagpapakatao. isang ako na hindi mapagmalaki, kundi isang ako na maaari kong ipagmalaki; isang ako na hindi mapagmataas, isang marangal na ako. ngayon nauunawaan ko na kung bakit ako binigyan ng malayang pagpapasya — naipamamalas ko ang aking pagpapakatao sa pagpili, at sa tuwing pinipili kong gawin ang tama, naipahahayag ko ang aking sariling pagpapakabanal. nalilikha ko ang sarili kong paraiso sa mismong sandaling iyon.
kahanga-hanga ang piliin ang tama kahit ito’y mahirap. lalo na kung ito’y mahirap. natatamo natin ang galak ng buhay sa ganitong paraan. nilalahad ng buhay ang samu’t saring pagpipilian: mahirap magpasya, subalit hindi imposibleng pillin ang tama. maaaring masalimuot ang pakikibaka, subalit gumagaan ang pasanin.
sa tuwing ako’y nagtitimpi at nalulugod sa katamtaman, sa tuwing iginagalang ko ang aking sarili, s’yang maaaring sumira sa akin ay sa halip kumakalinga.
ito ang alam ko. ngunit bakit ganon?
sa pagbasak ng telon, balot sa balabal ng magdamag, pinili ko man ang tama, bakit ako pa rin ang lumuluha?
2 Comments
lumuluha ka kse nasasaktan ka. pero mas gugustuhin ko ng masaktan ka kesa makapanakit ka ng damdamin ng ibang tao na. ang pagpili ng tama ay malaking desisyon at alam kong ang kapalit nito ay ang iyong kaligayahan. pero hindi lahat ng tama sa paningin mo ay tama para sa lahat. mahal kita lei alam mo yan.
alam ko.. =)
maaaring ang tingin nating mali ngayon eh sya namang tama pagdating sa huli. we can’t be too quick to judge. introspect, introspect, speak from the heart.
seek enlightenment. find answers. follow your bliss.
Post a Comment